TRECE MARTIRES, Cavite – Sinabi ni Vice Governor Ramon “Jolo” Revilla III na muntik na niyang ikinamatay ang bala na aksidenteng tumama sa kanyang dibdib at labis ang pasasalamat niya sa Diyos.

Umapela rin ang 27-anyos na bise gobernador sa mga kritiko ng kanyang pamilya na tigilan na ang mga espekulasyon tungkol sa nangyari, na tinawag niyang “purely accidental”.

“Sana tigilan na ang mga espekulasyon at mga isyu tungkol sa insidente. Simpleng aksidente lang ‘yun. Hindi ito biro. Muntik nang durugin ng bala ang puso ko. Half-inch na lang ang bala sa ugat ng puso ko. Muntik na akong namatay. Salamat sa Diyos at nakaligtas ako,” sabi ni Revilla

Nagsalita si Revilla noong Lunes sa flag-raising ceremony sa kapitolyo.

National

VP Sara, pinayuhan mga Pinoy na maging matalino sa pagboto sa susunod na eleksyon

Ito ang una niyang paglabas sa publiko matapos siyang maospital nang aksidenteng mabaril ang sariling dibdib habang nililinis ang kanyang baril sa bahay ng kanyang mga magulang sa Ayala-Alabang Village sa Muntinlupa City noong Pebrero 28.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Revilla ang Diyos sa pagbibigay sa kanya ng isa pang “buhay” at ang lahat ng nanalangin para sa agad niyang paggaling.

“Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos sa ikalawang buhay na ibinigay niya sa akin. Ngayon, alam ko na sinasabi ng Diyos na may misyon pa ako. Narito ako uli bilang vice governor na pagsisilbihan ang lalawigan at ang constituents nito,” ani Revilla.

Nagbiro pa ang bise gobernador na ang agimat ng kanyang lolo na si dating Senator Ramon B. Revilla Sr. ang nagligtas sa kanyang buhay.

“Totoo ang mga balitang may agimat ang lolo ko at ipinasa niya ito sa akin. Ang kanyang agimat ay walang iba kundi ang ating Panginoon,” aniya.

Ang pagdalo sa flag-raising ceremony ay kumpirmasyon ng pagbabalik-trabaho ni Revilla. - Anthony Giron