DAGUPAN CITY, Pangasinan – Nangako si Dagupan City Mayor Belen Fernandez na poprotektahan ang Dagupan River at ipinag-utos ang pagpapatuloy sa pagpapatupad ng ordinansa laban sa pagtatayo at operasyon ng mga fish pen sa mga ipinagbabawal na lugar sa siyudad.

Ito ang naging pahayag ng alkalde kasunod ng pangamba ng mga mangingisda na magkaroon ng malawakang fish kill dahil sa mga ilegal na fish pen at fish cage sa lungsod.

Sinabi ni Fernandez na simula nang maluklok siya sa puwesto ay sinimulan na ang paglilinis sa Dagupan River sa pagbaklas sa mahigit 1,000 fish pen na ang ilan ay pag-aari ng maiimpluwensiyang tao.

Binaklas ang mga fish pen sa Tapuac, Carael, Salapingao, Pugaro, Calmay, Lucao, Lomboy at Tambac.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Matatandaang nagpahayag ng pagkabahala si Alfredo Dawana, pangulo ng Fishpond Owners, Operators, Fisherfolk Association of Dagupan, Inc. (FOOFADCI), dahil sa aniya’y maling pangangasiwa ng City Agriculture Office sa mga ilog at daluyan sa lungsod.

Pinabulaanan naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nauna nang iniulat ng grupo ni Dawana na polluted ang mga ilog at nagkaroon na ng fish kill sa siyudad; sinabing nasa normal level ang kalidad ng tubig sa Dagupan River System. - Liezle Basa Iñigo