TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Nagpahayag ng pagkabahala si Governor Jonvic Remulla kaugnay ng ulat ng pagnanakaw sa loob ng kapitolyo kamakailan.

Sa kanyang mensahe sa mga kawani sa flag-raising ceremony nitong Lunes, sinabi ng 47-anyos na gobernador na nalooban ang General Services Office (GSO) sa kapitolyo noong Pebrero 16.

May kabuuang P95,080 halaga ng mga gamit at pera ang natangay ng mga suspek, na ayon sa pulisya ay isa-isang binuksan ang mga drawer ng mga kawani sa nabanggit na tanggapan.

Nadiskubre ng isang babaeng utility worker ang pagnanakaw sa GSO nang pumasok siya sa opisina dakong 5:30 ng umaga noong Pebrero 16.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Batay sa imbestigasyon, sinira ng mga suspek ang lock ng bintanang salamin ng opisina hanggang makapasok ang mga ito.

May natagpuan ding screw driver sa lugar, na pinaniniwalaang ginamit sa pagnanakaw.

Dahil dito, agad na iniutos ni Remulla ang masusing imbestigasyon sa insidente kasabay ng pagpapaalala sa mga kawani na huwag mag-iiwan ng pera o mga personal na gamit sa mga drawer, partikular tuwing weekends.

Sinabi naman ng isang source na inutusan din ng gobernador sa civil security unit (CSU) at iba pang kinauukulan na paigtingin ang pagpapatupad ng seguridad sa kapitolyo. - Anthony Giron