Sisimulan bukas ng Pinag-Isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang transport caravan na isasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaugnay ng mga hinaing ng mga operator at driver ng mga pampublikong sasakyan.

Ito ang inihayag ni George San Mateo, pangulo ng PISTON, upang iparamdam kay Pangulong Benigno S. Aquino III ang kawalan ng aksiyon ng gobyerno upang maiangat ang kabuhayan ng mga nasa sektor ng transportasyon.

Una na umano sa listahan ng PISTON ang mahal na presyo ng kada litro ng diesel na umaabot sa P30 habang P41 naman ang gasolina.

Ayon kay San Mateo, dapat ang presyo umano ng diesel ngayon ay nasa P22 kada litro na lang at P29 sa gasolina dahil nasa $47 per barrel na lang ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Pinalagan din ng PISTON ang mataas na multa sa mga traffic violation base sa ipinaiiral na Joint Administrative Order 2014-01 ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ikinadismaya rin ng grupo ang bagong motor vehicle plate at ipatutupad na phase-out policy ng mga jeepney sa bansa.

Panawagan ng grupo na mag-resign na si Aquino sa puwesto.

Nauna rito, ipinasisibak naman ni Efren de Luna, ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), ang mga opisyal ng Department of Transportation and Communications (DoTC), LTFRB at LTO dahil sa umano’y kabiguan ng mga ito na isaayos ang sektor ng transportasyon sa bansa.