Nina BETH CAMIA at BELLA GAMOTEA

Idinepensa ng Malacañang ang pag-abruba ng P15 arawang sahod ng mga minimum wage earner sa Metro Manila ng Department of Labor and Employment (DoLE).

Sa desisyon ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR), ipatutupad sa Abril ang umento sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.

Mula sa kasalukuyang P466 minimum wage kada araw, tataas na ito sa P481.

National

Sen. Bato sa impeachment complaint vs VP Sara: ‘If they want to do it, then go ahead!’

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, tradisyon na nagkakaiba ang desisyon ng mga labor at employers’ group sa halaga ng dapat ibigay na umento.

Tungkulin ng wage board na balansehin ang posisyon ng mga ito.

Una nang pumalag ang mga manggagawa sa kapirasong dagdag-sahod.

Ayon kay Valte, isinaalang-alang sa pasya ng wage board ang epekto sa mga negosyo sakaling ibigay ang hirit na P125 wage increase.

Sinabi pa ni Valte na bagama’t may ilang nagsasabi na hindi sapat ang halaga, mainam din na nadagdagan ang sahod ng mga manggagawa.

“It’s good still. Some will call it not enough or not sufficient but it is still something in addition to what they’re already getting,” ayon pa kay Valte.

Samantala, tinawag na “limos” ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board na karagdagang P15 sa lahat ng minimum wage-earners sa Metro Manila.

Ayon sa BMP, paulit-ulit na nagmamalaki nitong nagdaang taon si Pangulong Aquino na umunlad ang ekonomiya subalit barya lang naman pala ang mapapala ng mga manggagawa.

“Hindi mga pulubi ang manggagawang Pilipino. Sa katunayan ang binabanderang 6.1% Gross Domestic Product growth ni Aquino nung nakaraang taon ay bunga ng aming sama-samang paggawa kung kaya’t nararapat lamang na suklian ng gobyerno ang aming sipag at produktibidad ng sahod na nakabubuhay ng pamilya at hindi ang limos na katumbas ng balikang pamasahe para magpa-alipin ulit sa aming amo sa susunod na araw,” diin ni Gie Relova, lider ng BMP.

Iginiit ng grupo na nararapat lamang na patalsikin sa puwesto ang anila’y makakapitalistang asyenderong gobyerno ni Aquino dahil sa tumitinding pahirap at pagsasamantala na dinaranas ng mga manggagawa mula ng maupong si PNoy noong 2010.

Hiling ng BMP buwagin ang Regional Wage Boards dahil nagsisilbi lamang itong instrumento ng mga kapitalista para gawing ligal ang masahol na pagtrato nito sa mga tunay na lumilikha ng yaman ng bansa.