Inaasahang maghahatid ulan ang bagyong “Betty ngayong linggo sa Northern at Central Luzon, matapos kumilos patungong kanluran-timog-kanluran ng Pacific na may 75 kilometro kada oras na hangin. Sinusubaybayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo mula nang mamuo ito sa Pacific noong Huwebes. Sa nakaraang pitong araw, ipinararating ng PAGASA sa publiko ang pagkilos ni “Betty”, ang pangalawang tropical cyclone na tumama sa Pilipinas ngayong taon, matapos ang bagyong “Amang” nang bumisita si Pope Francis noong Enero.

Kasabay ng pagkilos ni “Betty” patungong Pilipinas sa kanlurang bahagi ng Pacific, isa pang Pacific cyclone na si ‘Pam” ang nananalasa sa kapuluan ng Vanuatu sa South Pacific sa hilaga-silangan ng Australia. Noong Biyernes, si “Pam”, na isang super-cyclone na may hanging umaabot ng 320 kph, ang nanalanta sa mga komunidad sa parehong paraan ng super-typhoon “Yolanda” na lumumpo sa Leyte at Samar noong 2013. Ayon sa inisyal na ulat, 90% ng mga bahay sa kapital na Port Vila ang nawasak.

Dumating sa Vanuatu ang kalamidad habang idinaraos ang United Natioons Conference on Disaster Risk Reduction sa Sendai, Japan. Isa ito sa preparatory meetings sa UN Climate Change Conference na idaraos sa Disyempre sa Paris, France. Inaasahan na ang mga bansa sa buong daigdig, lalo na ang China at Amerika, ay sasang-ayon ngayong Disyembre na bawasan ang kanilang industrial emissions na pinaniniwalaang dahilan ng climate change na nagbubunsod ng malalakas na bagyo.

Dito sa atin, natuto na tayo kay “Yolanda”. Kung noon binabalewala lamang ng ilan sa ating mga kababayan ang mga bagyo, ngayon masugid itong sinusundan. Hindi na tinututulan ngayon ang mga utos ng paglilikas sa mga nanganganib na mga lugar. At ang PAGASA, na nakikipag-ugnayan sa iba pang international weather agencies, ay matapat na inaalam ang lahat ng samâ ng panahon. Sa sandaling tumama na sa lupa ang unos, lubos na nabigyan ng babala ang mga mamamayan.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Kaya kapag sinimulan na ng bagyong “Betty” ang paghahatid ng ulan sa Northern at Central Luzon, nakaalerto na ang ating mga kababayan – kung sakali. Ayon sa PAGASA, malamang na hindi lalakas si “Betty” upang maging isang super-typhoon. Dahil marami nang lagay ng panahon ang hindi mataya nitong mga nagdaang mga taon, natuto na tayong huwag maging kampante sa mga bagyo at iba pang kalamidad.

Sa idaraos na UN conference sa Paris sa Disyembre, gagampanan ng Pilipinas ang mahalagang tungkulin bilang lugar kung saan tumama ang pinakamatinding bagyo. Isa tayo sa mga bansang binisita ni French President Francoise Hollande sa kanyang pangangalap ng suporta para sa isang pandaigdigang kasunduan hinggil sa climate change.

Tulad ng Vanuatu, isang pangunahing exhibit ang Pilipinas sa kapinsalaang dulot ng climate change, At kapag nagkaroon ng ang kasunduan ngayong taon matapos ang maraming taon ng pagsisikap na nauuwi sa kabiguan, ito ay dahil sa ating nakapanghihilakbot na karanasan na, kung patuloy ang pagsasawalang-kibo ng iba pang bansa sa buong daigdig, maaaring maging karanasan din nila.