Hindi komporme ang 44 porsiyento ng mga Pilipino na maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Batay ito sa huling survey ng Pulse Asia sa may 1,200 respondents, habang 21 porsiyento ang may gusto sa BBL at 36 porsiyento ay wala pang desisyon.

Sa mga ayaw sa BBL, 16 porsiyento dito ang matinding tumututol sa nilalaman ng panukalang BBL at 27 porsiyento naman ay tumanggi na maipatupad ito.

Sa bilang ng mga pabor sa BBL, may 4 porsiyento ang “strong agree” sa pagpasa ng BBL at 17 porsiyento ang “agree.”

ALAMIN: Pagbabago sa holiday schedule sa ilang public transportation sa Metro Manila

Patuloy na nakabimbin ang BBL sa Kongreso. Isinusulong ito ng mga tagasuporta na susi sa kapayapaan sa Mindanao subalit dahil sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, ay naudlot ang inaasahang pagpasa sa panukalang batas na ito.

Ipinakita rin sa huling pagtaya ng Pulse Asia Research Inc., na mas maraming mamamayan sa Mindanao ang hindi pabor sa pagpasa ng BBL.

Sa ipinalabas ng survey firm kahapon, 62 porsiyento ng mga taga-Mindanao ang kontra sa naturang panukalang batas, habang 20 porsiyento lamang ang pabor dito at 18 porsiyento ang undecided.

Lumilitaw na mas matunog ang BBL sa ibang bahagi ng Luzon na may 25 porsiyento na sang-ayon at 32 porsiyento lamang ang kontra.