Bahagyang humupa ang tensiyon sa Makati City Hall subalit nababalot pa rin ng kalituhan ang siyudad kung sino ang kanilang kasalukuyang alkalde dahil kapwa inaangkin nina Mayor Jejomar Erwin “Jun-Jun” Binay Jr. at Vice Mayor Romulo “Kid” Peña na sila ang may kapangyarihan na pamunuan ng lokal na pamahalaan.

Matapos ang isang linggong tensiyon, unti-unting bumabalik ang normal na operasyon sa quadrangle, na inokupahan ng mga taga-suporta ni Binay nitong mga nakaraang araw, kung saan binuksan na ang lugar bilang paradahan ng mga residente na nakikipagtransaksiyon sa city hall.

Nabawasan na rin ang mga tent kung saan nagkumpulan ang mga taga-suporta ni Binay bago ipinaskil ng kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 6-month suspension order ng Ombudsman laban kay Mayor Jun-Jun.

Tatlong oras matapos maipaskil ang dokumento sa pader ng city hall, natanggap naman ng kampo ni Binay ang 60-day temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Court of Appeals subalit hindi kinikilala ng DILG at Ombudsman.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Bilang pagpapakita na kontrolado pa rin niya ang lokal na pamahalaan, nakipagpulong si Binay sa mga tauhan ng Disaster Risk Reduction and Management Council bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong “Betty” sa Metro Manila.

“We have a possible situation here. People expect us to work. I was mandated by the people of Makati. Let us respect the rule of law, we would like to work,” pahayag ni Binay.

Patuloy pa rin ang pagpirma ni Binay ng mga remittance, cash advance, kontrata at iba pang dokumento sa city hall.

Ayon kay Mayor Jun-Jun, tila hindi niya mapipigilan si DILG Secretary Mar Roxas sa paghahasik ng kalituhan sa siyudad dahil ito ay bahagi ng kanyang “maruming laro sa pulitika”.