Nahaharap ngayon sa kasong robbery ang dalawang pulis at kanilang kakutsaba matapos umanong nakawan ng P65,000 ang isang mag-asawang Taiwanese habang naglalakad ang mga ito sa UN Avenue, Manila noong Hunyo 2014.

Kinasuhan ni Assistant City Prosecutor Gil B. Mendoza sina PO1 Reggie Valbuena Dominguez, PO1 Vincent Paul Medina at Bam Bam Valbuena sa Manila Regional Trial Court (RTC) matapos pagnakawan ang mga turistang Taiwanese na sina Mou Wne at Hsu Chia Lin noong Hunyo 28, 2014.

Naglalakad ang mag-asawa sa UN Avenue nang sitahin ng tatlong suspek na sakay ng isang kulay gray na sasakyan.

“They asked for our passport and they instructed us to go inside the vehicle so we did. Inside the vehicle, they took my bag. I resisted but they handcuffed me, they cocked their guns and threatened to shoot us. I was very afraid then they took my money, P65,000 inside the bag, went around the city and ordered us to step out of the vehicle in Roxas Boulevard,” pahayag ni Mou Wen sa kanyang sinumpaang salaysay.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Positibong itinuro ng mag-asawa ang dalawang pulis at si Bam-bam sa rogue gallery ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section.

Sa imbestigasyon na isinagawa ni Chief Insp. Arsenio Riparip at PO3 Jayjay S. Jacob, lumitaw na kapwa ideneklarang AWOL sina Dominguez at Medina matapos hindi mag-report sa kanilang puwesto sa Gagalangin Tondo Police Community Precinct noong Hunyo 23, 2014.

Nahaharap din sa kasong illegal possession of Firearms Dominguez at Valbuena noong 2012 subalit hindi sila sumipot sa preliminary hearing sa kaso. - Jenny F. Manongdo