Bubuuin ng pinakamahuhusay at papaangat na volleyball players ang ipapadalang men’s at women’s teams mula sa Larong Volleyball ng Pilipinas (LVPI) at hindi ng mga miyembro ng tinaguriang Bagwis at Amihan na binuo ng dating asosasyon na Philippine Volleyball Federation (PVF) sa 28th Singapore Southeast Asian Games.

Ito ang niliwanag ni Philippine Olympic Committee (POC) 1st Vice-president at LVPI president Jose Romasanta matapos magdesisyon ang Team Philippines Southeast Asian Games Task Force na isama rin ang men’s volleyball, women’s water polo at women’s dragon boat team sa paglahok nito sa kada dalawang taon na torneo.

“Iisa lang ang dapat na pangalan ng ating mga pambansang koponan at hindi kung anu-ano. Pilipinas lang ang ating bansa at hindi dapat iyon na binabagu-bago at binibigyan ng kung anu-anong pangalan,” sabi ni Romasanta.

Una nang inihayag ni POC president Jose Cojuangco na maayos na ang direksyon ng volleyball sa bansa sa pagkilala nito sa liderato ng LVPI.

National

Paalala ng DOH: Maghinay-hinay sa pagkain ng matataba, matatamis at maaalat ngayong holidays!

“Iyong mga nag-iingay na iyon ay wala lang magawa. Matagal na namin sila sinabihan na ayusin ang asosasyon pero walang ginagawa. Ngayon na may direksiyon na ang bagong asosasyon ay saka sila ngawa ng ngawa,” sabi pa ni Cojuangco.

Ang Amihan at Bagwis ay patuloy naman sa gawain nito sa pagpapalaganap ng larong volleyball sa buong bansa sa pagsasagagawa ng mga volleyball clinic at exhibition games.

Matatandaang inatasan ng LVPI sina national coaches Roger Gorayeb at Sammy Acaylar na agad nitong bubuin ang pinakalamakas na women’s team habang pinagdidiskusyunan nito ang ipapadalang koponan sa kalalakihan na kung saan nais nito na mananatiling buo hanggang taong 2019.

Dahil sa pagkakadagdag ng tatlong team sports, umangat sa kabuuang bilang ang atletang isasama sa SEA Games na gaganapin simula Hunyo 5 hanggang 16 sa kabuuang 452.

Ito ang pinakamalaking bilang para sa isang delegasyon na ipapadala ng Team Philippines sa kada dalawang taong SEA Games kung saan asam nito na mapataas ang maiuuwing mga medalya upang pagtakpan ang masaklap nitong pagtatapos sa ikapitong puwesto dalawang taon na ang nakaraan sa paglahok sa Myanmar.