Tuloy ang kilos-protesta, na tinaguriang “chicken feet”, ng 100 Pinoy worker kasama ang mahigit 100 dayuhang manggagawa sa Kuwait na hindi nakatanggap na suweldo mula sa kanilang employer.

Kasabay ng kanilang protesta ang paghingi ng limos para may makain, kahit na paa lang ng manok sa tindahan, at hindi alintana ang malayong paglalakad mula sa Khaitan o Farwaniya upang hindi sila magutom.

Tiniyak ni Labor Attaché Cesar Chavez ang ayuda at pagtanggap sa kaukulang suweldo ng mga Pinoy worker matapos makausap ang mga kinatawan ng kanilang employer para resolbahin ang kanilang reklamo na unang isinampa sa Ministry of Social Affairs and Labor (MSAL).

Sa Marso 25 inaasahang maglalabas ng desisyon ang MSAL sa reklamo ng 200 worker, na kinabibilangan ng mga overseas Filipino worker (OFW).

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Posibleng panagutin din ni Chavez ang recruitment agency sa Manila ng mga ni-recruit na Pinoy worker na itinalaga bilang foreman, electrician, pipe fitter, plumber, air conditioning technician at welder.

Nilinaw naman ng labor attaché na posibleng patawan ng parusang pagkakakulong, pagmultahin o i-deport ang magsasagawa ng kilos-protesta dahil ilegal ito sa Kuwait.

Nagbigay din ng tulong, gaya ng pagkain at ibang personal na pangangailangan, ang Embahada ng Pilipinas para sa mga manggagawang Pinoy doon.

Isasagawa ang medical mission sa ilalim ni Bishop Jun Nones ng Evangelical Church sa kampo ng Wafra at Khaitan para sa Pinoy protestor.