Hiniling sa Korte Suprema ng isang grupo na suspendihin ang implementasyon ng K to 12 curriculum ng Department of Education (DepEd) simula sa school year 2015-2016 sa mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa.

Isinentro ng mga petitioner mula sa grupong Coalition for the K to 12 Suspension ang kanilang reklamo sa Supreme Court sa paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon, at hindi sa mga depekto ng curriculum.

Nakasaad sa K to 12 curriculum ang pagkakaroon ng anim na taon ng isang estudyante sa high school, apat na taon sa junior high school at dalawang taon sa senior high school.

Iginiit ng grupo na nilabag ng K to 12 program, sa bisa ng RA 10533, ang karapatan ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon dahil hindi nito napangalagaan at naitaguyod ang kanilang trabaho at pagkakapantay-pantay ng oportunidad sa trabaho tulad ng nakasaad sa Article XIII, Section 5 ng Konstitusyon.

National

Amihan, shear line, easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH

“The Constitution promotes work creation or protection and not work displacement or loss. In the implementation of this law, education workers face the risk of early separation, forced retirement, constructive dismissal, dimunition of salaries and benefits, labor contractualization and a general threat to self-organization,” ayon sa mga petitioner.

Bukod sa RA 10533, ipinatitigil din ng mga petitioner ang pagpapatupad ng implementing rules and regulations (IRR) ng batas, Joint Guidelines (JG) na may petsang Mayo 30, 2014, DepEd Memorandum No. 2 Series of 2015 na may petsang Enero 2015, at House Bill No. 5493 na inihain noong Pebrero 23, 2015.

Sinabi ng grupo na ang mga probisyon sa ilalim ng K to 12 ay salungat sa batas dahil ang mga education worker ay isinasabak sa hindi makatarungang patakaran. - Rey G. Panaligan