Inihayag kahapon ng Malacañang na beberipikahin nito ang mga ulat na tinatakot ng mga bangkang pangisda ng Vietnam ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc sa Zambales.

Ayon sa mga ulat, mas pinoproblema ng mga mangingisdang Pinoy ang mga mangingisdang Vietnamese sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, kaysa mga mangingisdang Chinese.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. na dapat na maberipika ang nasabing ulat bago ito tugunan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

“Ito ay dapat na maberipika at kapag na-verify ng Philippine Coast Guard (PCG) o Philippine Navy ay maaaring gumawa ng appropriate action ang DFA at ipagbigay-alam ito sa bansang kinauukulan kung totoong ang sangkot dito ay mga Vietnamese fishermen,” sabi ni Coloma.

'Kokoy Villamin' na pirmado rin sa mga transaksyon ng OVP, walang records sa PSA?

Samantala, sinabi ni Coloma na nagpahayag ng pagkabahala ang gobyerno sa mga ulat na nagtatayo ngayon ang China ng istrukturang kasing laki ng shopping mall sa may Burgos Reef sa West Philippine Sea.

“Yung mga pagkilos na ‘yan ay matagal nang tinututulan at inilalantad ng ating pamahalaan bilang paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea dahil may umiiral pang mga usapin hinggil sa mga maritime entitlements na dapat munang maresolba,” ani Coloma.

Gayunman, sinabi ni Coloma na patuloy na gagamitin ng gobyerno ng Pilipinas ang paraang diplomatiko at alinsunod sa mga umiiral na patakaran sa territorial dispute nito sa China.

“’Yung isinasagawang reclamation activities ay tinutuligsa at tinutulan din ng ibang bansa na mayroong kahalintulad na maritime entitlement claim sa ating bansa,” sabi ni Coloma.

Marso 30, 2014 nang naghain ang Pilipinas ng memorial sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS), at ilang beses na ring nagpadala ng note verbale sa Chinese Embassy sa Maynila kaugnay ng mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea, kabilang na ang pananakot sa mga mangingisdang Pinoy.