Sa huling pagdinig ng senado sa Mamasapano incident, ang huling nagtanong noon ay si Sen. Recto. Ang mga tanong niya ay ang mga sumusunod: Ano ang katotohanan na sa lugar na nagaganap ang bakbakan na ikinamatay ng SAF 44 ay may nakitang eroplanong umiikot? Nalaman ba sa Civil Aeronatics Aviation Board kung kaninong eroplano ito? Sino at kanino ibinigay ang sinasabing pinutol na daliri ni Marwan? Sino ang kumuha o kanino ibinigay ng Amerika ang limang milyong dolyar na patong sa ulo nito? Itinago ng senado ang kasagutan sa mga tanong na ito ng senador sa executive session. Malamang tuluyan nang maitago ang mga ito sa mamamayan.

Noong Lunes, nagpaliwanag na naman si Pangulong Noynoy sa naging papel niya sa nangyari sa Mamasapano. Sa hangarin niyang huwag lang ibunton sa kanyang lahat ang pagkakamali sa insidente nasabi niya: “Fool me once, shame on you. Fool me twice, shame on me”. Pinatamaan niya rito si SAF Director Napeñas na pinaratangan niyang niloko siya nito. Hindi lang daw sinunod nito ang napagkasunduan nilang dapat gawin sa “Operation Exodus” kundi ipinaabot pa sa kanya ang maling impormasyon nang nangyayari na ang operasyon. Inamin niyang patay ang kanyang cellphone kaya alas siete na ng umaga nang matanggap niya ang unang balita tungkol dito. Bukod dito, salungat ang kanyang nasabing deklarasyon sa mga nauna niyang sinabi sa taumbayan. Hindi na niya diniinan ang nauna niyang sinabi na sa buong panahon ng operasyon ang kanyang ka-text ay si suspendidong PNP Chief Alan Purisima.

Napakababaw ng paliwanag ng Pangulo para siya paniwalaan. Kulang ito, ayon kay Sen. Grace Poe na siya mismong namuno ng imbestigasyon sa senado. Sumama naman ang loob ni Napeñas sa kanya dahil lumabas na siya ang sanhi ng hindi maayos na operasyon kaya nadale ang SAF 44. Nagsisinungaling ang Pangulo, wika naman ni Partylist representative Walden Bello, kaya kumalas siya sa kanilang alyansa at nag-resign sa kongreso. Sa ginagawa ng Pangulo, isinesentro niya ang isyu sa kanya sarili at ayaw niyang ikalat ito para maungkat ang katotohanan. Bakit hindi niya sagutin ang tanong ni Sen. Recto?
National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS