Nadagdagan pa ang kinakaharap na kaso ni dating Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General August Syjuco, Jr. nang sampahan ito ng panibagong kasong graft sa Sandiganbayan dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga libro na nagkakahalaga ng P9.5 milyon noong 2008.

Kinasuhan din ang 11 pang kasamahan ni Syjuco na sina TESDA Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Santiago Yabut, Jr.; BAC vice-chairman Clifford Paragua; mga BAC member na sina Marjorie Docdocil, Brenda Furagganan at Ma. Lourdes Villanueva; Procurement and Supply Division Chief Juanito Belda at Senior Administrative Assistant III Glynis June Capoquian-Sionosa, at mga kinatawan ng Grand C Graphics Inc. (Grand C) na sina Alfredo Ching, Jr., Nelson Ching, Rene Rufino at Fahmi Asuncion.

“The graft charges stemmed from the anomalous procurement of 250,000 copies of SALABAT for the Filipino Soul, a career guidance book for school children, amounting to P9,250,000 that did not undergo public bidding,” pagdidiin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales tungkol sa paglabag umano sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ibinasura naman ng anti-graft agency ang kasong falsification of public documents dahil na rin sa kawalan ng probable cause.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Paliwanag ni Morales, mali ang ginawa nina Syjuco na ipagkaloob ang proyekto sa Grand C sa kabila ng kawalan ng public bidding.

Natuklasan din aniya ng Commission on Audit (CoA) ang “irregular expenditure sa pagpapalimbag ng SALABAT kasabay na rin ng pagpapalabas ng babala ng ahensya noong Mayo 21, 2008 kung saan nakasaad na ang pagpapaimprenta ng mga libro ay kinakailangang dumaan sa bidding.

Kinuwestiyon din ng CoA ang ginagawang pagbayad, pag-deliver at pag-inspeksiyon ng nasabing mga libro sa loob lamang ng buong araw.

Matatandaang kinasuhan na rin ng katiwalian si Syjuco sa anti-graft court kaugnay ng maanomalyang paggamit ng P20 milyong pondo mula sa pork barrel fund ni dating Iloilo Rep. Judy Syjuco dahil pinadaloy lamang umano ito sa Tagipusuon Cooeprative na pag-aari ni Syjuco, noong Agosto 2014.