Kinasuhan kahapon ng graft sa Office of the Ombudsman ang isa sa whistleblower sa P10-bilyon pork barrel fund scam na ang itinuturong mastermind ay ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Si Marina Sula ay inireklamo ni dating Nueva Ecija Gov. Edward Thomas Joson sa anti-graft agency, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa maanomalyang pagbili ng overpriced na bottled fertilizers at irrigation pumps para sa mga magsasaka.

Si Sula ang nangangasiwa sa Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation (MAMFI), habang ang isa pang akusado sa nasabing kaso na si Anita Tansipek, pinuno ng Samahan ng mga Manininda ng Prutas sa Gabi, Inc. (SMPGI), ay responsable sa pagbili at pamimigay ng irrigation pumps na nagkakahalaga ng P3 milyon.

Kasama rin si Sula sa mga akusado sa amended affidavit of complaint na isinampa ni Joson laban kay Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali kaugnay ng paggawa mismo ni Umali ng sarili nitong bersiyon ng fertilizer scam noong kongresista pa ang incumbent governor.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Kaugnay nito, ipinasususpinde ni Joson si Umali habang hindi pa inilalabas ng Ombudsman ang resolusyon sa reklamong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang pagbili at pamamahagi ng overpriced bottled fertilizers at irrigation pumps.

Ayon kay Joson, nilabag ni Umali ang Article IV, Section 10 ng RA 9184 (An Act Providing for the Modernization, Standardization and Regulation of the Procurement Activities of the Government, and for Other Purposes) at paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).