Umaasa pa rin si Pangulong Benigno S. Aquino III na makahahanap siya ng mamahalin niya pang-habambuhay bagamat itinuturing niya ang kanyang buhay pag-ibig sa kasalukuyan bilang “below zero.”

Ibinahagi ng Pangulo ang kanyang personal na buhay matapos ang prayer assembly ng iba’t ibang Christian religious leader sa Malacañang kamakalawa ng hapon.

“One of my secretaries asked me: ‘How’s your love life?’ As you know it used to be regular then it became light and now—parang a few years ago, it became zero, and now it’s below zero,” pahayag ni PNoy sa question and answer forum.

Tinanong si PNoy ng isa sa mga lider ng grupong relihiyon kung makatutulong ba sa 55-anyos na binata ang kanilang dasal sa paghahanap ng kanyang mamahalin.

'Kokoy Villamin' na pirmado rin sa mga transaksyon ng OVP, walang records sa PSA?

Sa puntong ito, nagbitaw ng biro ang Pangulo na dapat nakatutok ang Diyos sa mga “attainable goal.” Matapos ang ilang segundo, agad na kumambiyo ang Punong Ehekutibo na naniniwala siya na makatutulong ang Panginoon sa kanyang love life.

“Doon na lang ho ako sa in God’s time. Sana ho bago maubos ‘yung time ko rito,” saad ni PNoy na umani ng tawanan sa mga nakikinig sa kanyang mga pahayag.

“But I only have a year and three months left, so baka after that naman ho a year and three months and one day, baka magbago na ho ‘yung kulay and if that happens,” dagdag ng Pangulo.

Aniya, maging si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva ay madalas nananalangin para sa kanyang buhay pag-ibig.

“Gawin mo na siguro everyday, Joel. Thank you,” pahayag ni PNoy. - Genalyn D. Kabiling