DAVAO CITY – Ipinag-utos ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa mga magulang ng tatlong paslit na natagpuang natutulog sa ilalim ng truck na nakaparada sa Barrio Obrero noong Miyerkules.

Sa kanyang lingguhang programa sa telebisyon na “Gikan sa Masa, Para sa Masa,” sinabi ni Duterte na natiyempuhan niyang nagkukumpulan ang mga usisero sa tabi ng kalsada at doon niya napag-alaman na pinagkakaguluhan ang tatlong bata—isang anim na taong gulang na lalaki, isang pitong taong gulang na babae at kapatid nitong lalaki na walong taong gulang—habang mahimbing na natutulog sa ilalim ng isang nakaparadang truck.

Agad na ipinag-utos ni Duterte sa mga social worker ng siyudad na dalhin ang tatlong bata sa Kahayag Center, na nag-aaruga sa mga batang lansangan.

Agad ding iniutos ng alkalde sa lokal na pulisya na arestuhin ang mga magulang ng tatlong paslit.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

“Mayroong probisyon sa batas na nagsasabing maaaring panagutin ang mga magulang kung ang kanilang anak ay nalalagay sa peligro,” ani Duterte.

Binalaan din ni Duterte ang mga magulang na huwag lang basta magpadami ng anak kung kalaunan ay pababayaan lang ang mga ito.

“Huwag na kayong mandamay pa ng ibang tao kung gusto n’yo lang magpakasarap sa inyong mga katawan,” dagdag ng alkalde. (Jonathan A. Santos)