Marso 8, 1010 nang makumpleto ng Persian poet na si Ferdowsi ang epikong Shahnameh (“Book of Kings”), na binubuo ng mahigit 50,000 couplet, at umabot sa halos 30 taon bago nakumpleto.
Tampok sa nasabing libro ang kasaysayan ng Persia (ngayon ay Iran) noong mythical age, heroic age, at historic age, na nagsimula sa pagkakabuo ng Earth.
Naging pambansang epiko ito na sumisimbolo sa pamanang kultural at kasaysayan ng Persian speakers. Ibinida ni Ferdowsi ang makasaysayang Persian shahs, ilang tao gaya ng bayani na si Rostam at Prince Siavash, at ang mga huling hari ng Sassanid Empire.
Mas matagal nakumpleto ang epiko kumpara sa Iliad at Nibelungenlied. Inaprubahan ni Emir Mahmud ang komposisyon ng epiko.
Si Ferdowsi ay isang debotong Muslim at may koneksiyon sa Samanid emirs, na tumulong upang mapalago ang kulturang Persian. Umabot sa edad 70 si Ferdowsi nang matapos niya ang epiko at patuloy siyang namuhay ng sumunod na dekada.