Dahil sa lantad at malaking bentahe ng kanilang katunggaling South Star team na may matatangkad na manlalaro, dadaanin ng North Star team ang laban sa paspasan sa pagtatapat nila ngayong gabi sa nagbabalik na North vs. South sa 2015 PBA All-Star Game na gaganapin sa Puerto Princesa Coliseum sa Palawan.

Gagabayan ni San Miguel Beer coach Leo Austria, na magiging bahagi ng All-Star sa unang pagkakataon bilang coach matapos na hindi napabilang sa mga napiling player noon para maglaro sa All-Star, kung saan ang bilis ang magsisilbing bentahe ng North All-Star na walang lehitimong sentro sa kanilang line-up kumpara sa South na mayroong triple tower sa katauhan nina Junemar Fajardo, Greg Slaughter at Asi Taulava.

Magsisilbing bigmen para sa North sina Marc Pingris, Calvin Abueva at Japeth Aguilar.

“Doon kami babawi sa bilis, what we lack in height we will make up with our speed,” pahayag ni Austria.

Eleksyon

'Umpisa na ang himagsikan!' Sam Verzosa, tatakbong mayor ng Maynila

Ang iba pang mga miyembro ng North squad ay sina Justin Melton, Mark Caguioa, Paul Lee, Terrence Romeo, Arwind Santos, Ranidel de Ocampo, Beau Belga at Gabe Norwood.

Sa kabilang dako, bukod sa kanilang tatlong higante, ang iba pang miyembro ng South All Star na gagabayan naman ni Alaska coach Alex Compton ay sina James Yap, Mark Barroca, Jimmy Alapag, Dondon Hontiveros, Cyrus Baguio, Stanley Pringle, Jeff Chan, PJ Simon, Joe Devance at Reynel Hugnatan.

Samantala, inaasahan na ito na ang magiging pinakahuling All-Star game na magkasamang maglalaro ang dating magkakampin na sina Taulava at Alapag.

Bago simulan ang laro sa ganap na alas-7:00 ng gabi, pormal nang ireretiro ang No. 3 jersey ni Alapag sa koponan ng Talk ‘N Text.