Nang dumating si Pangulong Aquino para sa opisyal na turnover ng Special Action Force (SAF) command sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, Metro Manila noong Miyerkules, iniulat na malamlam ang pagsalubong sa kanya. Maaaring dahilan nito ang mabigat na kalooban sanhi ng mga unang araw matapos ang Mamasapano massacre o maaari ring dahilan nito na naantala na naman ang Pangulo para sa turnover ceremony na nakatakda sa 10:35 ng umaga.

Ang Pangulo, gayunman, ay naantala sa seremonya, hindi dahil dumating siya nang atrasado sa Camp Bagong Diwa. Sa totoo lang, dumating siya sa takdang oras, ngunit nagpasyang makipagkita sa mga SAF commando na nakaligtas sa Mamasapano clash. Ang pagpupulong na wala sa schedule ay tumagal ng tatlong oras, kaya kinailangang isagawa ang turnover ceremony ng 1:30 ng hapon.

Ang nakatakdang presidential speech ay nakansela, kasabay ng coverage ng People’s TV na pag-aari ng estado. Simpleng pinangunahan lang ng Pangulo ang pagsasalin ng kapangyarihan mula sa SAF officer-in-charge Chief Supt. Noli Talino sa bagong SAF chief, Chief Supt. Moro Virgilio Lazo.

Marahil gugugol ng mahabang panahon bago lumipas ang mabigat na kaloobang dulot ng massacre. Ang dating SAF chief na si Director Getulio Napeñas, at ang nagbitiw na si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Alan Purisima, ang tumanggap ng halos lahat ng paninisi para sa palpak na operasyong nagresulta sa pagkamatay ng 44 kabataang SAF commando. May mga naniniwala na dapat ding sisihin ang Pangulo, sapagkat ipinagpatuloy niya ang pagtalakay sa plano ng operasyon sa suspendidong PNP chief, at nagpaubaya sa hindi paglahok sa mga pagpupulong ng acting PNP chief, Deputy Director General Leonardo Espina at kahit na ang kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Mar Roxas.

National

Catanduanes, niyanig ng 4.8-magnitude na lindol

Kailangang tiisin ng Pangulo ang tuluy-tuloy na pagdududang pinagtatakpan siya. Maaaring mapahupa niya ang kritisismo sa pagtupad ng ilang schedules upang hindi naman maghintay ang mga tao na kasing tagal ng tatlong oras.

Ang pagiging nasa oras ay tanda ng respeto sa iba. Kung ang “iba” na ito ay yaong mga dumaranas ng paghihirap ng kalooban tulad ng mga tauhan ng SAF, ito ay isang tanda ng pag-aalala, ng pagkalinga, na tunay ngang pinahahalagahan kapag ipinakita ito ng ama ng bansa, ang Pangulo. Ang no-wang-wang policy ay tumupad na ng layuning bigyang-diin na hindi papayag ang administrasyon sa mga espesyal na pribilehiyo tulad ng pagkalibre sa mga traffic sign, ngunit hindi dapat hayaan ito ng Pangulo na maging dahilan ng kanyang pagiging atrasado sa ano mang okasyon. Mahalaga ang kanyang oras kung kaya hindi dapat ito masayang sa masikip na trapik.