Pambansang Pagkakaisa noon, Pambansang Galit ngayon. Noong 1986, naranasan ng mga Pilipino ang tunay na pambansang pagkakaisa nang patalsikin ang isang diktador na sumikil sa demokrasya at kalayaan. Ngayon naman, nararanasan ng mga Pinoy ang tunay na pambansang poot kay Pangulong Noynoy Aquino dahil sa Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 kasapi ng PNP Special Action Force. Gayunman, marami pa ring mamamayan ang ayaw bumaba sa puwesto si PNoy at nais nilang patapusin siya sa 2016 sapagkat higit nilang ayaw kay Vice President Jejomar Binay na ngayon ay hanggang leeg ang pagkakalubog sa mga alegasyon ng kurapsiyon. Ito ba ang tinatawag sa English na “between two evils” na ang pipiliin mo ay ang “lesser evil”?
Nakabitin sa alanganin ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law (BBL) ng PNoy administration sanhi ng palpak na operasyon sa Mamasapano. May pitong probisyon sa BBL draft na itinuturing na unconstitutional ng mga mambabatas. Kabilang dito ang pagkakaloob sa Bangsamoro entity ng sariling Commission on Audit, Commission on Elections, Commission on Human Rights, pulisya at pagsusulong ng territorial expansion.
Isipin na lang natin na bibigyan ng Republika ng Pilipinas ang Bangsamoro ng P75 bilyong budget taun-taon. Ang salaping ito ay magiging kanila (MILF) galing sa buwis ng sambayanang Pilipino, hindi pera nina PNoy, Ferrer at Deles, pero posibleng gamitin sa unti-unting paghiwalay ng Mindanao. Bukod dito, kailangan pa rin daw na makipag-coordinate ang Pangulo ng bansa sa pamahalaan ng MILF tungkol sa maseselang usapin bago makapasok ang mga tropa o pulis ng bansa sa kanilang teritoryo. Samakatwid, ang Bangsamoro ay maituturing na isa nang hiwalay na estado gayong ito ay saklaw ng Pilipinas. Marahil, higit na makabubuti na palakasin, pagsiglahin at muling balangkasin ang ang umiiral na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kaysa itatag ang isang Bangsamoro entity.
Ngayon pa lang ay nakikita na ang pagiging arogante ng mga pinuno ng MILF sa pangunguna ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal nang sabihing muling magkakagulo sa Mindanao kapag binago ang mga probisyon ng BBL. Reaksiyon ito ni Iqbal sa pahayag ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na kailangang isuko muna ng MILF ang mga rebelde na sangkot sa pagpatay sa 44 SAF commando at pagsuko kay Basit Usman na pinaniniwalaang kinukupkop ng MILF.