Magsasagawa ng hunger strike sa Metro Manila ang mga miyembro ng isang malaking grupo ng mga magsasaka sa susunod na linggo upang igiit ang agarang pagpapasa sa panukalang muling magbibigay-buhay sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni Task Force Mapalad (TFM) Negros Chapter President Alberto Jayme na layunin nitong kumbinsihin ang Kongreso na simulan na ang pagdinig sa House Bill 4296 o ang Notice of Coverage (NOC) extension bill, na sinertipikahan nang urgent ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Manananawagan din ang grupo para sa pagsasabatas ng House Bill 4375, na magtatatag ng isang independent na Agrarian Reform Commission upang pangasiwaan ang implementasyon ng CARP.

Sinabi ni Jayme na ipagpapatuloy nila ang hunger strike hanggang sa pakinggan ng Kongreso ang kanilang mga panawagan.

National

‘Julian’ isa na lamang LPA; nasa labas na ng PAR

Nasa 50 miyembro ng TFM ang magsasagawa ng rally sa harap ng Kongreso bago dumiretso sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City para mag-hunger strike.

Suportado naman ni Ifugao Rep. Teodoro Baguilat Jr., pangunahing may akda ng HB 4375, ang apela ng TFM, sinabing mahalagang maipagpatuloy ang CARP upang matiyak na maipamamahagi ang iba pang lupang agraryo sa mga benepisyaryo nito.

“There may still be 300,000 hectares that could still be issued Notices of Coverage under the Comprehensive Agrarian Reform Program, and not just 29,000 hectares as the Department of Agrarian Reform declared after June 30, 2014,” ani Baguilat. - Samuel Medenilla