Tiniyak kahapon ng Malacañang na ang pagpili ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) ay batay sa husay nito, sa harap ng mga pangamba ng oposisyong United Nationalist Alliance (UNA) na papaboran ng Presidente si Deputy Director General Marcelo Garbo Jr. bilang susunod na PNP chief dahil suportado ito ng Liberal Party (LP).

Sina Garbo, kasalukuyang hepe ng PNP directorial staff, at PNP officer-in-charge (OIC) Director Gen. Leonardo Espina, ay kapwa kinapanayam ng Pangulo para sa posibilidad na maging susunod na leader ng PNP.

Una nang nagpahayag ng pangamba ang UNA na malaki ang posibilidad na paboran ng Pangulo si Garbo dahil suportado ito ng matataas na opisyal ng LP.

Gayunman, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na pipiliin ni Pangulong Aquino ang susunod na PNP chief batay sa husay nito.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

“I can assure you that whenever the President interviews or is in search of candidates for a particular position, what he has in mind is the qualifications of any candidate as well as the demands of office that is supposed to be filled,” ani Valte.

Sinabi ni Valte na batid din ng Pangulo ang pangangailangang agad na magtalaga ng bagong PNP chief, dahil marami ang nag-iisip na posibleng hindi na magtalaga ng PNP chief ang Presidente hanggang sa magretiro si dating PNP chief Director Gen. Alan Purisima sa Nobyembre.

Sinabi rin ni Valte na inatasan ng Pangulo ang legal team nito na masusing pag-aralan ang usapin sa pagtatalaga ng bagong PNP chief.

Nagbitiw lang kasi sa puwesto si Purisima at hindi nag-resign sa serbisyo kaya mananatili rito ang ranggong 4-star, ngunit iisa lang dapat ang may hawak ng nasabing ranggo sa PNP.