Binigyan ng Social Security System (SSS) ng hanggang 10 taon para magpasa ng kanilang request ang mga miyembro sa re-adjudication o re-evaluation ng kanilang retirement, death o disability claim sa ahensiya.
Nabatid sa SSS na sakop din ng prescriptive period ang paghahain ng apela sa mga claim sa Social Security Commission (SSC).
Nakasaad sa bagong SSS Office Order number 2015-005 na itinakda ang 10 taon na prescriptive period upang maiwasan ang problema sa pagberipika sa mga dokumentong isusumite ng claimant. Ito ay alinsunod sa Article 1144 ng New Civil Code of the Philippines, na nakasaad din na ang pagtatago ng record ay hanggang 10 taon lang.
Base sa SSC resolution number 10-19279-10, ang 10 taon na prescriptive period ay magsisimula depende kung kailan na-settle ang claim ng isang miyembro at kung ang claim ay na-settle bago sumapit ang Marso 1, 2006, ang simula ng prescriptive period.
Hinggil sa mga claim na nabayaran simula Marso 1, 2006 o pagkatapos ng petsang nabanggit, ang prescriptive period ay magsisimula kung kailan na-settle ang claim ng miyembro.
Ang SSS Office Order number 208-P, na naging epektibo noong Marso 1, 2006, ang unang nagtakda ng 10 taon na prescriptive period para sa re-adjudication ng retirement, death or disability claims.
Nilinaw naman ng SSS na hindi maipatutupad ang 10 taon na prescriptive period kung ang request ay hindi mula sa pagkakamali ng miyembro.