Nanawagan si Muntinlupa congressman Rodolfo Biazon kay Pangulong Noynoy na palitan na sina Presidential Peace Adviser Teresita Deles at pinuno ng peace panel na si Miriam Coronel-Ferrer. Hindi raw nagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin itaguyod ang kapakanan ng bansa sa usaping pangkapayapaan sa MILF. Maging si Sen. Allan Cayetano, sa pagdinig sa senate committee ni Sen. Grace Poe, ay naitanong niya sa dalawa kung aling panig ang kanilang kinakatawan, ang gobyerno ba o ang MILF?
Kasi, nadismaya siya sa mga sagot ng dalawa na animo’y pumapanig sila sa MILF. Hindi natin maiaalis na ganito kumilos ang dalawa. Sa totoo lang hindi nila pinapanigan ang MILF kundi ipinagtatanggol nila ang Bansamoro Basic Law (BBL) na kanilang pinaghirapan. Ipinagtatanggol nila ang usaping pang kapayapaan na pinasok ng ating gobyerno sa MILF sa pamamagitan nila.
Sa pagdinig sa senado ukol sa Mamasapano massacre, ang naging bunga ng trinabaho nina Deles at Ferrer ay nalagay sa panganib. May mga mambabatas na nga na nagsasabi na hindi nila palulusutin sa kongreso ang BBL. May mga nagsasabi naman na kung makalusot man ito ay hindi iyong kabuuan na ibinigay sa kanila kundi iyong mga bahagi lang nito na naayon sa Saligang Batas. Sa pagsisiyasat ng senado sa Mamasapano massacre, may inungkat pa ang mga senador na mga bagay na ginagawa ng MILF na nagpapakita ng kawalan nila ng sinseridad na magkaroon ng kapayapaan. Dito nga natanong sina Deles at Ferrer na sa kanilang pagsagot ay para bang pinapanigan nila ang MILF. Pero ang hangarin nila ay mapangalagaan ang BBL at usaping pangkapayapaan sa kabila ng pangyayari sa Mamasapano. Mayroong alam sina Deles at Ferrer na dapat din sanang malaman ng mga senador pero ayaw nilang ukilkilin para lantarang maihayag sa sambayanan. Sa imbestigasyong ginawa ng senado, ang responsibildad sa massacre ay umabot lang sa Pangulo na ipinagkatiwala sa suspendidong pinuno ng PNP ang maselang operasyong dakpin ang umano ay mga terrorista. Pero bakit nangahas na gawin ito ng Pangulo? Alam nina Deles at Ferrer ang kasagutan sa tanong ni Sen. Recto ukol sa partisipasyon ng mga Kano sa “Operation Exodus”. Kaya sinasagip nila ang BBL at usaping pangkapayapaan kahit ipagkamali na pinapanigan nila ang MILF dahil ito ang nais gibain ng Mamasapano massacre. Kaya ang dapat tanungin ay hindi sina Deles at Ferrer kundi ang mga mambabatas at opisyal ng gobyerno at ang tamang tanong ay kayo ba ay sa Pilipino o sa mga gustong paghiwa-hiwalayin sila?