Minsang pang pinalutang ang pag-uusisa na may himig na pag-aalinlangan: Paanong nabubuhay ang inyong foundation? Ang tinutukoy ng ating naging ka-guro sa isang pamantasan ay ang Bagong Katipunan Foundation (BKF) na itinatag ni Dr. Nemesio E. Prudente, ang President Emeritus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP). Ito ang kanyang legacy o pamana sa makabayan at maralita subalit matatalinong mag-aaral na hindi kinukupasan sa pagtatamo ng mataas na edukasyon. Pangarap niya ito hanggang sa siya ay sumakabilang-buhay may ilang taon na ang nakalilipas.

Walang kagatul-gatol ang ating naging tugon sa naturang katanungan: Sa sariling sikap. Ibig sabihin, ang BKF ay tahimik subalit aktibong kumikilos sa paglulunsad ng scholarship program para sa mga estudyante na uhaw sa karunungan. At sa pamamagitan ng kinikita sa napagbibilhan ng mga aklat ni Dr. Prudente – ang The Revolutionists at ang Quest for Justice – ang nabanggit na program ay umuusad, kahit paano. Katuwang sa pagsisikap na ito ang mismong mga miyembro ng BKF Board of Trustees na mula sa iba’t ibang sektor – academe, media groups at religious organizations.

Bagamat mangilan-ngilang mag-aaral lamang ang naaayudahan ng BKF, mabunga naman ang aming pagsisikap. Sabi nga ni Prof. Romulo Martia, isa sa trustees at siyang nagpapakilos ng naturang Foundation, ang 20 estudyanteng pinagkalooban ng scholarship ay nakapasa sa Accountancy Board Examination. At ang isa sa kanila ay napabilang pa sa topnotchers.

Ang BKF ay hindi tulad ng ibang Foundation na laging inaayudahan ng malalaki at mauunlad na korporasyon, mga business enterprises at ng mga pulitiko. At lalong hindi ito katulad ng mga fake foundation na sinasabing nakinabang sa P10 billion PDAF scam na gumimbal sa bansa. Kinasasangkutan ito umano hindi lamang ng mga gahamang pulitiko kundi ng ilang tiwaling opisyal ng administrasyon. Katunayan, kasalukuyang nagdurusa sa mga detention cell ang mga idinadawit sa naturang kasumpa-sumpang anomalya.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Ang BKF ay mananatiling nakayakap sa mga simulaing ikinintal ni Dr. Prudente: Makabayan, matapat at matatag na pagpapahalaga sa karunungan.