DINARAYO, DINADAGSA ● Kung hahanap ka ng positibong balita, makahahanap kang talaga. Malamang nais na muna nating magpahinga sa mga imbestigasyon, sa mga batuhan ng akusasyon, pagduduruan, pagtuturuan, at paninisi hinggil sa Mamasapano incident. Babalikan naman natin iyon kapag may nagsabi na ng katotohanan. Habang nagaganap ang negatibong aspeto ng mga balitang ito, dinarayo naman ng mga turista ang Vigan, Ilocos sur, partikular na ang makasaysayang bilangguan sa heritage city ng Vigan, ang bayang sinilangan ng unang Ilocanong Pangulo ng Pilipinas na si Pangulong Elpidio R. Quirino (1890-1956). Ayon kay Gov. Ryan Singson, bahagi na ng kasayayang ang naturang piitan kung saan isinilang si “Maestro Pidiong” na anak nina Mariano Quirino (warden ng piitan) at Gregoria Rivera.

Ang naturang piitan ay isa nang Arts and Culture Center ngayon sa pamamahala ng National Museum. Taglay nito ang mayamang kasaysayan, kabilang na ng babaeng heneral ng rebolusyon na si Gabriela Siolang, at ni Fr. Jose Burgos at ang premyadong makata na si Leona Florentino. Naroroon din ang 14 obra ng pintor na si Esteban Pichay Villanueva na naglalarawan sa Basi Revolution noong 1807 na naka-display sa Father Burgos Museum. Naroon din ang paintings ng mag-asawang Pangulong Quirino at maybahay niyng si Alicia Syqua na obra maestra ng tanyag na pintor at National Artist na si Fernando Amorsolo at bust na gawa ng National Artist din na si Guillermo Tolentino. Ang Vigan ay kabilang na sa New Seven Wonder Cities of the World.

***

NAGBABAGANG BALITA ● Isang maapoy na pagdiriwang ng ika-49 taon ng Fire Prevention Month ang sinimulan kahapon na pinangunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sumiklab ang isang sunog sa Cubao, Quezon City. Isa ang namatay sa insidente at halos 13 bahay naman ang naabo. May nakapagsabi na mas mainam pang manakawan ka na kaysa masunugan, sapagkat iilang kasangkapan lamang ang matatangay ng magnanakaw ngunit sa sunog, pati buhay maaaring mawala. Kaya naman naglibot sa Metro Manila ang mga fire volunteer at iba pang bahagi ng bansa upang paalalahanan ang publiko na mag-ingat nang maiwasan ang lalo na ngayong buwan. Binalaan din ang mga residente na iwasan ang octopus connections sa loob ng kanilang bahay kung saan sala-salabit ang mga kawad ng electrical appliances na maaaring pagmulan ng sunog. Iwasan ding maabot ng mga paslit at yaong mga miyembro ng pamilya na may utak-paslit ang posporo, lagayan ng kerosene at iba pang maaaring sumiklab. Sa ibayong pag-iingat, masasagip mo rin ang sarili mong buhay.
National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'