“Siguro tatlong hakbang lang.”
Ganito inilarawan ni Sen. Jinggoy Estrada kung gaano siya kalapit kay Sen. Juan Ponce Enrile nang kunan siya ng blood pressure sa Philippine National Police (PNP) General Hospital kaya nagdesisyon itong batiin ang beteranong mababatas sa kanyang ika-91 kaarawan noong Pebrero 14.
“So, of course, being former senate president and still a colleague at the Senate, I greeted him a happy birthday. What’s wrong about it?” pahayag ni Estrada.
Ang pahayag ni Estrada ay bilang reaksiyon sa iniulat ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na pumuslit sa kani-kanilang piitan sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sina Jinggoy at Sen. Bong Revilla na walang kaukulang permiso sa korte.
Dahil dito, ipinasibak ni Roxas ang siyam na pulis, kabilang ang hepe ng PNP Headquaters Support Service.
Matapos magpasuri sa loob ng 10 minuto sa PNP General Hospital, sinabi ni Estrada na agad siyang bumalik sa kanyang piitan, na ilang metro lamang ang layo sa ospital.
“Sa pagpunta ko roon sa specialty ward nagpakuha ako kaagad ng blood pressure. It so happened that the birthday of Senator Enrile was nearby,” pahayag ni Estrada.
Tinawag din ni Estrada si Chief Insp. Raymond Santos, hepe ng PNP General Hospital-Emergency Room, na “sinungaling” dahil nakatanggap umano siya ng kahilingan mula kina Bong at Jinggoy na isagawa ang blood pressure checkup sa specialty ward imbes na sa emergency room.
“’Yung sinasabi ni Doctor Santos doon sa presscon ni Secretary Mar Roxas sinungalin s’ya,” pahayag ni Estrada. “Binabaligtad niya istorya, eh. He was never there at the emergency room . He was already waiting for me in that specialty ward.”