HINDI PO ● Kung tatanungin mo nang tuwiran si Davao City Maryo Rodrigo Duterte na kung tatakbo siya sa panguluhan sa May 2016 elections, sasagutin ka niya ng “Hindi po”. Natitiyak ko na marami sa ating mga kababayan, kasama na ako, na nadismaya. Kung tutuusin, sa ipinamalas niyang kakayahan sa pagpapanuto ng kanyang nasasakupan, at sa kanyang malawak na karanasan sa larangan ng pulitika at pamamahala, taglay niya ang lahat ng katangian ng isang leader na kailangan ngayon ng ating bansa.
Ngunit hindi nga tatakbo si Mayor Duterte sa panguluhan... haaay... Gayunman, isinusulong niya ang federalismo bilang kapalit ng Bangsamoro Basic Law (BBL) kung sakaling hindi ito maipapasa. Ang federalismo kasi ang nais matamo ng kanyang mga kababayan sa Davao at iba pang bahagi ng Mindanao bilang anyo ng pamahalaan. Nangangailangan ang ating bansa ng bagong dugo sa pulitika, yaong may enerhiya at talino upang sagipin ito mula sa mga kuko ng magnanakaw at nagmamarunong na mga pulitiko, sa droga na sumisira ng maraming buhay lalo na ang kabataan. Pagkakataon na sana ito ni Mayor Duterte na isulong ang tunay na pagbabago... Duterte style.
***
WALA NANG PAG-ASA ● Iniulat na naglabas kamakailan ang Islamic State (IS) ng isang video na winawasak ng kanilang mga militante ang artifacts ng sinaunang Iraq. Gamit ang mga maso, winasak ng mga miliante ang artifacts sa lungsod ng Mosul na itinuring nilang diyus-diyosan kung kaya kailangang wasakin. Ang mga pagwasak ay bahagi ng kampanya ng IS extremists na sumira ng ilang shrine kabilang ang mga holy site ng mga Muslim upang maalis ang sinasabi nilang maling pananampalataya. Ibinenta rin ng iba ang artifacts upang magkaroon sila ng pondo para maisagawa ang kanilang madugong pagkilos sa buong rehiyon. Sa naturang video, ipinakita kung paano winasak ng dalawang balbasaradong lalaki ang malalaking estatwa sa loob ng Mosul Museum gamit ang mga martilyo at barena. Winasak din nila ang isang may pakpak na toro na nagmula pa noong ika-7 siglo bago pa dumating si Kristo. Malinaw na kaugnay na ang kahibangang ito sa relihiyon. Hindi natin alam kung ano ang pumasok sa mga kokote ng mga IS extremistang ito. Pati ang mga bagay na sumasagisag sa mayamang kultura at kasaysayan ng daigdig ay winawasak. Paano na lamang sa pagdating ng panahon, ano ang ipakikita nila sa kanilang mga anak gayong winasak na nila ang pamana ng kultura? Wala nang pag-asang bumalik pa sa katinuan ng pag-iisip ang mga extremistang ito. Sa pagtutulak ng kanilang hibang na paniniwala, nakahanda silang kaladkarin ang lahat patungo sa kanilang mundong hindi na uminog.