Unti-unti nang napagtatagni-tagni ng mga taga-Bureau of Customs (BoC) ang mga aktibidad ng smuggling sa Mindanao na nagbigay-daan upang mabuking ang pagkakasangkot dito ng ilang halal na opisyal sa rehiyon.

Ipinag-utos ni Deputy Commissioner for Intelligence Jesse Dellosa ang imbestigasyon para sa pagpupuslit ng 131,000 sako ng bigas na inangkat mula sa Vietnam at nasabat malapit sa Pata Island sa Sulu noong Lunes.

Sa hiwalay na paunang ulat mula sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), nadawit ang ilang lokal na opisyal sa smuggling ng bigas, na idiniskarga mula sa M/V An Bien-89-ALCI.

Isang dayuhang barko, ang M/V An Bien-89, ay may 16 na Vietnamese crew men at na-impound ng pinagsamang puwersa ng BoC at Philippine Navy matapos itong makitang may lulang 116,000 sako ng smuggled rice.

National

Unemployment rate sa ‘Pinas, bumaba sa 3.9% – PSA

Ang sasakyang-dagat ay nakarehistro sa Sunrise Ship and Trading Company na kinilala rin bilang consignee ng kontrabando.

Ayon sa manifesto ng barko, lulan nito ang orihinal na cargo ng 152,000 sako ng bigas nang dumating noong Pebrero mula sa Vietnam. Sapantaha ng BoC na ang iba ay nailipat na sa mga bangka at ibiniyahe sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.

Tatlong Filipino-owned boat—ang M/L Fatima Nurmina, M/L Boy1, M/L KW—ang nadakip din dahil sa pagdidiskarga ng 15,000 sako ng bigas mula sa dayuhang barko.

Bukod sa bigas, ang mga naturang bangka ay kinakitaan din ng pitong M14 rifle, tatlong M16 rifle, at dalawang grenade launcher.