ISULAN, Sultan Kudarat – Nanindigan ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na handa itong labanan ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nagpahayag nitong Miyerkules ng all-out offensive laban sa grupo.

Sa panayam kay Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, sa isang lugar sa Maguindanao, tiniyak niya ang paninindigan ng kanilang grupo sa “Separate Islamic State in Mindanao” na tanging opsiyon para mapayapa ang rehiyon.

Sinabi rin ni Mama na hindi siya naniniwala sa magiging bunga ng prosesong pangkapayapaan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), at iginiit na higit na lumalakas ang kanilang grupo.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng pamunuan ni Col. Noel Clement, ng 602nd Army Brigade, na nakabase sa Carmen, North Cotabato, na nananatili ang alert status ng militar habang bantay-sarado ang halos kabuuan ng Liguasan Marsh, na sinasabing pinagmumulan ng BIFF.

National

Atom Araullo, panalo sa kasong ‘red-tagging’ vs Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz

Maging ang pamunuan ng 601st Brigade sa Tacurong City, Sultan Kudarat, sa pamamagitan ni Col. Melquiadez Feliciano, ay nagsabing ipatutupad nila ang operasyon laban sa BIFF.

Samantala, pinabulaanan naman ni Ustadz Karialan, ng BIFF, ang inihayag ni MILF Commander Jack Abas, na mahigit 20 ang napinsala sa BIFF sa labanan ng dalawang grupo sa Pikit, North Cotabato sa nakalipas na mga araw. (Leo P. Diaz)