Ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Yemen, na nasa dulong timog-kanluran ng Arab Peninsula, ay hinimok ng gobyerno ng Pilipinas at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na tanggapin ang alok ng pamahalaan na magbalik sa Pilipinas, sa harap ng lumalalang karahasan sa naturang bansa.

Noong nakaraang buwan, bumagsak ang gobyerno ni Yemen President Abd-Rabbu Mansour Hadi sa kapital ng naturang bansa sa kamay ng Shia Houthis, na suportado ng Iran, ngunit nakatakas ang President sa house arrest noong nakaraang linggo at tinipon ang kanyang mga puwersa sa kanyang power base sa Aden. Sa harap ng kaguluhan, ang Amerika, Britain, France, at Germany, kasama ang Saudi Arabia at ang United Arab Emirates ay isinara ang kani-kanilang embahada sa Yemen.

Sa ngayon, may mahigit 1,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Yemen at nananawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanila na magbalik sa Pilipinas. Inalok din ang repatriation sa may 4,000 OFW sa Libya kung saan nitong huling araw, pinugutan ng Islamic State (IS) forces ang 21 Egyptian Coptic Christian. Inalok din ang may 6,000 OFW sa Syria, kung saan sinakop ng IS ang malalawak na lugar doon at sa Iraq.

Maraming bansa sa Middle East at sa North Africa ang sumasailalim sa iba’t ibang uri ng kaguluhan at sa gita ng lahat ng iyon, naroon ang libu-libo nating kababayan na nagtatrabaho bilang mga engineer sa mga oil field, bilang mga doktor at nurse sa mga hospital at clinic, at mga domestic worker sa mga tahanan.

National

Tawi-tawi, niyanig ng 4.4-magnitude na lindol

Ang mga OFW ang tinaguriang “Bagong Bayani” ng pamahalaan, dahil sa lakas ng loob ng mga itong magtrabaho sa ibayong dagat, madalas na humaharap sa mga panganib. Sa kabila niyon, kumikita sila para sa kanilang mga pamilya habang pinaiigting ang foreign exchange reserves ng ating bansa. Gayunman, isang malungkot na katotohanan na kailangang magtrabaho ng libu-libong Pilipino sa mga mapanganib na lugar sa buong mundo – dahil wala namang matinong trabaho sa sarili nating bayan.

Araw-araw, mahigit 5,000 Pilipino ang naglalakabay para magtrabaho sa ibayong dagat sa paghahanap ng mas mainam na oportunidad at mas maayos na trabaho upang suportahan ang kanilang mga pamilya, ayon sa CBCP Episcopal Mission on Migrants and Itinerant People. Totoong nakalulungkot isipin, ayon sa sa misyon, na karamihan sa mga umaalis ay mga ina, sapagkat mas maraming trabaho ang available sa abroad para sa kababaihan.

Sa tuluy-tuloy na problema sa Yemen, Libya, at Syria, hindi inaasahang matatapos agad iyon. Maaari pa ngang lumawak iyon sa ibang bansang malapit sa lugar. At mas maraming OFW ang malalagay sa panganib. Mainam na mayroon tayong repatriation program para sa mga OFW, ngunit panahon na para repasuhin ng ating gobyerno ang kasalukuyang polisiya ng labor exportation.