Nakahanda na ang itinalagang 200 pulis sa pagbibigay ng seguridad sa idaraos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Aklan sa susunod na buwan.

Sinabi ni Senior Insp. Frensy Andrade, hepe ng Boracay Tourist Assistance Center, nakatakdang dumating ang mga abogado at hukom ng mga kasaping bansa sa ASEAN sa Marso 1 hanggang 3.

Nakatuon sa event ang idaraos na 2015 ASEAN Law Association at ASEAN Supreme Court Justices conference.

Ayon kay Andrade, nasa 200 pulis ang ipakakalat sa isla at Caticlan, Malay bilang augmentation force sa naturang aktibidad.

Probinsya

Centennial bust ni NA F. Sionil Jose, inilantad sa publiko

Ang mga pulis ay magmumula sa iban’t ibang municipal police station sa lalawigan.

Mahigpit na seguridad ang ipatutupad sa dalawang hotel na pagdarausan ng komperensiya at sa iba pang tourist spot na pupuntahan ng mga delegado.

Aabot sa 500 hanggang 600 supreme court justice, mga hukom at abogado na mula sa Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam at Pilipinas ang magpupulong na taunang ginaganap ng mga opisyal.

Pangungunahan ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pulong ng ASEAN kung saan ay personal na lilibutin nito ang mga pasilidad na pagdarausan ng aktibidad.

Ayon pa kay Andrade, magtutuluy-tuloy ang kanilang paghahanda dahil bukod sa ASEAN Law Association conference, magiging host ang Boracay sa ministerial meetings ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Mayo.