Hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang publiko na iwasan na ang giyera at tahakin na lamang ang daan tungo sa kapayapaan.

Ginawa ni Tagle ang kanyang mensahe sa idinaos na misa para sa pagdiriwang ng ika-29 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution kahapon ng tanghali.

Ayon kay Tagle, ang daan tungo sa kapayapaan ay ang paghahanap ng kapwa.

Paliwanag niya, kung wala kang nakikitang kaaway ay hindi mo kinakailangang lumaban at mamamayani ang kapayapaan.

National

Amihan, shear line, ITCZ, patuloy na magpapaulan sa PH

“The path of peace is to find a neighbor, a brother and a sister. When I don’t see anyone as an enemy, I don’t have to fight,” bahagi ng homiliya ni Tagle sa misa na dinaluhan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III at cabinet officials.

Kinakailangan rin aniyang makinig sa mga Salita ng Panginoon, maging mapagpakumbaba at mabatid ang pangangailangan sa mga Salita ng Diyos.

Iginiit rin ng Cardinal na ang People Power ay maaaring ma-interpret bilang isang alay mula sa Panginoon.

Aniya, hindi lamang isang lugar ang EDSA, “kundi [kung] nasaan ka at mahal mo ang iyong bayan, nasa EDSA ka.”

Hinikayat rin niya ang lahat na pagyamanin ang biyaya ng EDSA People Power.

Ipinaunawa ni Cardinal Tagle na ang biyaya ng Panginoon na tulad ng People Power ay may kaakibat ding responsibilidad. Aniya, masasayang lang ang anumang biyaya kung walang responsibilidad.

Kaugnay nito, aabot naman sa 800 mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at 300 ng Philippine National Police (PNP) ang magkasamang nagmartsa patungong EDSA bilang paggunita sa ika-29 anibersayo ng People Power.

Layunin ng tinaguriang unity march na ipakita sa publiko na matibay ang ugnayan ng militar at pulisya sa harap ng umano’y hidwaan dahil sa kawalan ng koordinasyon sa operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na pulis noong Enero 25.

Sa PNP, pinangunahan ni Directorate for Police Community Relations Dir. Chief Supt. Nestor Quinsay ang nasabing martsa habang sa AFP ay pinamunuan naman ito ni Brig Gen. Joselito Kakilala kung saan ay nagkita-kita ang mga ito sa People Power Monument.

Sinasabing nag-ugat ang unity walk sa paglabas mula sa Camp Aguinaldo ng mga sundalo sa pangunguna nina dating Defense Secretary Juan Ponce Enrile at dating AFP chief Fidel V. Ramos noong Pebrero 23, 1986 kung saan ito ang naging hudyat ng pag-aalsa ng militar sa noo’y administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Matinding trapiko naman ang sumalubong sa mga motorista dahil na rin sa pagsasara ng bahagi ng EDSA para sa selebrasyon.

Naranasan ang maagang heavy traffic sa EDSA northbound matapos isara ang Shaw Boulevard hanggang Santolan, maging ang mga perpendicular road.

Libu-libo ring empleyado ang naperhuwisyo sa road closure. - Mary Ann Santiago at Rommel Tabbad