Mabuti na lamang na umatras si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa kanyang pahayag noong nakaraang linggo na siya “could run for president… if only to save this country from being fractured.” Sa sumunod na araw, aniya hindi na siya tatagpo sa panguluhan, idinahilan ang kanyang edad, ang marami niyang taon sa paglilingkod sa gobyerno, ang kakapusan niya ng salapi para sa pangangampanya.

Sa panahon ngayon na ginigiyagis ang bansa ng Mamasapano incident, maaari ngang hindi angkop ang pag-usapan ang pagtakbo sa panguluhan. Marami pang bagay ang kailangang mabigyang-linaw sa idinaraos na mga imbestigasyon – partikular ang kabiguan ng mga rescuer na dumating sa takdang oras na maaaring naiwasan ang maraming kamatayan. Mayroon ding suliranin na ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay maaaring masira ng masaker. At may usap-usapan sa ilang mga grupo na nananawagan sa pagbabago ng liderato.

Hanggang hindi nareresolba ang mga isyung ito, mas mainam na isantabi muna ang anomang usapan sa pulitika at eleksiyon. Mayroon pang 14 na buwan na daraan bago ang presidential elections sa Mayo 2016.

Gayunman, dapat alam ni Mayor Duterte at ng lahat na nananabik sa halalan na kahit ngayon, pinagmamasdan sila ng taumbayan. Ang mga mata ng botante ay nakatutok sa mga nagpahayag na ng kani-kanilang intensiyon na tumakbo sa panguluhan, tulad ni Secretary Mar Roxas ng administrasyong Liberal Party, at Vice President Jejomar Binay ng oposisyong United National Alliance. Walang dudang sinisipat din ng mga botante ang iba pang posibilidad, tulad ni Mayor Joseph Estrada, at, oo, si Mayor Duterte.

Impeachment case ni VP Sara, maaari pang madagdagan?

Ang mga sinasabi at ginagawa ng lahat ng posibleng aspirante sa pagkapangulo kaugnay ng Mamasapano incident ay tiyak na ikokonsidera rin. At kapag dumating na ang oras, maaalala ang mga ito at maaaring maging kritikal na bahagi ng 2016 election campaign.

Kaya ituon ang ating atensiyon sa ngayon sa pagresolba ng lahat ng isyu sa Mamasapano incident, itong pinakasawimpalad na kabanata sa ating pambansang buhay, at ang kasabay na isyu ng Bangsamoro Entity. Ang nagaganap na pagsisiyasat, lalo na ng PNP Board of Inquiry at ng Senado, ay magdudulot ng mga kasagutan sa ating mga tanong kalaunan. At pagkatapos, saka pa lamang tayo makauusad sa ating iba pang pambansang suliranin. At saka pa lamang sa 2016 presidential elections.