Dahil sa patuloy na paglala ng karahasan at kaguluhan sa Libya, ipinag-utos ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli (Libya) na ilikas ang mga overseas Filipino worker sa nasabing bansa.

Sa Facebook account ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Hans Leo J. Cacdac inihayag ang abiso ni Adelio Cruz, Charge D’ Affaires ng Pasuguan (Embahada) ng Pilipinas sa Libya, na sa Pebrero 25 gagawin ang paglilikas.

Pinayuhan din ang mga OFW na makipag-ugnayan kina G. Norberto Dela Rea at G. Carlos P. Garacia.

Binanggit din ni Cruz sa abiso na hindi na lamang dalawa kundi tatlong grupo na ang naghahasik ng karahasan at kaguluhan sa Libya, at ipinakikita pa sa video ang pamamaslang.

Rep. Chua, itinangging naungkat ang 'impeachment' sa kanilang fellowship sa Malacañang

Dahil dito, ayon kay Cruz, marapat lang na ilikas ang ating kababayan dahil sa posibilidad na maipit ang mga ito sa digmaan.

Magugunitang pinayagan ng gobyerno na magpadala ng OFW sa nasabing bansa nang bahagyang humupa ang tensiyon matapos na mapatalsik sa puwesto si President Muammar Gaddafi.