DASMARIÑAS, Cavite – Isang pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga ang napatay habang isang pulis ang sugatan matapos magbarilan ang grupo ng dalawa malapit sa isang day care center na nagdulot ng panic sa mga kabataan sa lungsod na ito kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang napatay na suspek na si Edgardo Pakingan Bautista, 40, isang tricycle driver, na nakipagbarilan umano sa mahigit sampung pulis sa Remedios Ville Subdivision, Barangay Salitran II, dakong 12:00 noong Huwebes ng tanghali.

Kilala rin bilang “Impakto”, nagtamo ng pitong tama ng bala si Bautista iba’t ibang bahagi ng katawan, ayon kay Senior Insp. Fermel Dela Cruz .

Ayon kay Dela Cruz, napilitang paputukan ng kanyang grupo si Bautista nang pagbabarilin ng huli si PO1 Ralph C. Lanadao sa isinagawang anti-drug operation laban sa suspek.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang binti at kanang tuhod si Lanado kaya isinugod siya sa De La Salle Medical center, ayon sa ulat.

Nabawi mula kay Bautista ang isang caliber .45 Remington pistol na may anim na bala.

Nadiskubre rin ng pulisya sa bulsa ng napatay na suspek ang isang glass tube na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.