Luminaw na kung bakit namatay 44 SAF commando kahit planado na ang kanilang misyon sa pagdakip kina Marwan at Usman. Nang naiipit na sila sa labanan sanhi ng kanilang ginawang operasyon, humingi sila ng saklolo sa mga sundalong nakadestino sa lugar na iyon. Patay na sila nang datnan sila ng tulong. Kasi, nasa larangan sila ng labanan na ang gamit ay cellphone.

Hindi nila tinatawagan kundi tini-text lang ang hinihingan nila ng tulong. Alam naman natin kung minsan kumakain ng oras bago dumating ang mensahe sa taong tini-text. Bukod dito, limitado ang maibibigay mong mensahe lalo na kung nasa gitna ka ng labanan. At ito ang reklamo ng mga sundalong nakatanggap ng text ng mga SAF trooper. Hindi raw naibahagi sa kanila ang mga mahalagang detalye para sila makatulong partikular ang kanilang kinalalagyan at lugar ng kanilang kalaban.

Isinabak ang SAF sa labanan na kulang sa kagamitang pandigma. Matagal nang problema ito. Kaya nga nag-alsa ang grupo ni Sen. Trillanes sa panahon ni Pangulong Gloria dahil isa sa mga reklamo nila ay hindi raw naibibigay sa mga sundalo ang kailangan nila sa pagganap ng kanilang mapanganib na tungkulin.

Nagiging kakaning-itik sila sa harap ng kanilang kalaban na siyang nangyari ngayon sa mga SAF trooper. Hindi nga sundalo ang mga SAF trooper, pero sila ay galamay pandigma ng PNP. Sinanay sila na parang sundalo at inihanda sila para sa armadong pakikibaka. Dahil ito ang nakatalagang tungkulin nila, asahan mo na mapapalaban sila. Maaring mapatay sila sa pagtupad ng kanilang misyon. Pero masakit na mapatay sila na ang tangan nila sa pakikipag-ugnayan nila sa kapwa para matulungan sila sa panahong ang buhay nila ay nasa kuko ng kamatayan ay cellphone. Hindi kaya ang pumatay din sa 44 SAF commando ay iyong mga nagdala sa kanila sa larangan ng labanan at iyong mga nagiimbestiga ngayon ng kanilang sinapit? Pinatupad sila ng misyon na alam ang kanilang kakayahan o walang kakayahang lumaban. Ang nararapat para sa kanila para maging epektibong tagapangalaga na ating katahimikan ay pinakikinabangan lang ng iilan sa uri ng DAP at PDAF.
National

Unemployment rate sa ‘Pinas, bumaba sa 3.9% – PSA