Matapos ang maraming araw ng batuhan ng paratang hinggil sa pagpaslang sa 44 Special Action Force (SAF) commando ng Philippine National Police (PNP) sa Mamasapano, Maguindanao, ang unang kongkretong pagtatangka na makakuha ng impormasyon ay nagsimula na ngayong linggo sa pagbubukas ng imbestigasyon ng Senate Commitee on Public Order sa pamumuno ni Sen. Grace Poe Llamanzares.

Ang unang araw ay nakatutok sa pagpaplano ng operasyon at ang papel na ginampanan ni PNP Director General Alan Purisima na, sa kabila ng pagkakasuspinde sa kanya ng Ombudsman, ang malinaw na pangunahing pigura sa pagpaplano ng operasyon upang arestuhin si Malaysian bombing expert Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.

Sinabi ng hepe ng SAF, na si Chief Supt. Getulio Napeñas Jr., sa Senado na sa isang briefing kasama ang Pangulo sa Bahay Pangarap sa Malacañang noong Enero 9, sinabi sa kanya ni Director General Purisima na huwag sabihin sa dalawang opisyal sa itaas niya sa chain of command – ang PNP Officer-in-Charge, Deputy Director General Leonardo Espina, at si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, ang departamento ng gobyerno na nangangasiwa sa PNP. Nang pagkakataon na niyang tumestigo, sinabi ni Purisima na nagpayo lamang siya, hindi nag-utos, kay Napeñas.

Ang kabiguang ito na ipabatid sa kanyang mga superyor at ang kabiguan kalaunan ng PNP na makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lugar ang sinisisi sa kamatayan ng 44 ng mahigit 392 tauhan ng SAF na isinugo upang arestuhin si Marwan sa teritoryong kontrolado ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Ito ay simula pa lamang ng pagsisikap na kalagan ang napakaraming buhol sa Mamasapano incident. Marami pang ibang katanungan na kailangang malinawan. Kabilang dito ang pahayag ng SAF chief na ang kanilang nagdaang mga operasyon ay pumapalpak paminsan-minsan kapag nagpaunang-sabi sila sa militar, ang brutalidad ng pagkakapaslang sa SAF 44, at ang pagkakasangkot ng mga Amerikano sa operasyon, bukod pa sa kanilang alok na $5 milyong pabuya para sa ulo ni Marwan.

Ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno ay nakahandang magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon. Boboto ang Kamara de Representantes sa isang proposal na magtayo ng isang Truth Commission. Inatasan ang Department of Justice (DOJ) na kompletuhin ang imbestigasyon sa loob ng dalawang buwan. Ang PNP ay mayroon nang Board of Inquiry. Malamang na gugugol ng mahigit sa dalawang buwan upang bigyang liwanag ang lahat, ngunit ang proseso ng paghananap ng katotohanan ay nasimulan na.

Maaaring magpapalubag-loob ito sa mga pamilya ng SAF 44. At kailangang makalagan nito ang ang ilang buhul-buhol na ugnayan ng AFP at ng PNP. At sa pagitan ng gobyerno at ng MILF na may ceasefire agreement, habang hindi pa nalilikha ang Bangsamoro Entity sa Mindanao. Bukod sa pagkawala ng mga mahal sa buhay ng mga pamilya ng SAF 44, marahil ang Bangsamoro peace program ang pinakamalaking sagabal sa gobyerno bilang resulta ng Mamasapano incident. Inaasahan na sa darating na panahon, kapag nailahad na ang lahat at nabigyang-linaw sa bukas na imbestigasyon, maibabalik ang tiwala at muli na namang makaaabante ang bansa.