Ang Konstitusyon ng Pilipinas ay nasa sentro ng maraming pambansang kaunlaran at mga isyu nitong mga nagdaang buwan, partikular na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ipinagbawal ng Supreme Court.

Ang PDAF o “pork barrel” ng mga mambabatas ay idineklarang unconstitutional dahil pinahintulutan nito ang mga mambabatas na mamagitan sa mga proyekto ng executive department matapos ang pagkilos ng kongreso. Nilabag din ng DAP ang mga probisyon ng Konstitusyon hinggil sa savings at cross-border fund transfers.

Ang dalawang isyu na ito ang pumukaw sa atensiyon ng bansa sa loob ng maraming buwan, dahil nasasangkot dito ang pagkawala ng bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan. Ang dalawang ibang isyu – ang Cybercrime Prevention Act at ang Reproductive Health Act – ay hindi naman gaanong nakapukaw ng atensiyon ngunit mahalaga rin itong national at constitutional na mga isyu.

At ngayon, dalawa pang isyung konstitusyonal ang lumutang – ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng bansa sa Amerika at ang Bangsamoro Basic Law na nasa Kongreso ngayon. Ang una ay may kinalaman sa ating kaugnayan sa ating makasaysayan at pinakamalapit na kakampi, ang Amerika. Ang pangalawa ay isang mahalagang elemento sa kasalukuyang kaguluhan sa pagkakapaslang sa 44 police commando sa Maguindanao. Pareho itong nasa Kongreso ngayon.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Ang mga isyung ito ay naglalarawan ng mahahalagang tungkuling ginampanan ng Konstitusyon sa buhay ng ating bansa. Ang unang Republika sa pamumuno ni Pangulong Emilio F. Aguinaldo at ang pangalawang Republika sa pamumuno ni Pangulong Jose P. Laurel ay may kanya-kanyang sariling Konstitusyon. Ang kasalukuyang pangatlong Republika ng Pilipinas na nagsimula sa pamumuno ni Pangulong Manuel Roxas noong 1946 ay unang pinamahalaan ng 1935 Constitution, na pinairal noong Pebrero 8, 1935. Sinundan ito ng 1973 Constitution sa Marcos martial law regime, ang 1986 Freedom Constitution na iprinoklama ni Pangulong Cory Aquino matapos ang People Power Revolution; at ngayon ang 1987 Constitution na binalangkas ng isang Constitutional Commission na itinalaga niya.

Sa ngayon, ang Philippine Constitution Association sa pangunguna nina Chairman Manuel M. Lazaro at President Rep. Ferdinand Martin Romualdez ay nagpaparangal sa lahat ng pangunahing dokumento na namahala sa buhay ng bansa sa loob ng mahigit isang siglo, sa pagdiriwang nito ng Constitution Day. Taglay ng selebrasyon ang matagal nang umiiral na tradisyon na nagtatampok sa layunin ng asosasyon na itaguyod ang mas malawak na kamalayan at respeto para sa Konstitusyon at ang pangunahing prinsipyo nito sa katarungan, kalayaan, at pagkakapantay-pantay.