TUGUEGARAO CITY, Cagayan- Hindi  lamang ang kakayahan ng Cagayan State University (CSU) na maging punong-abala sa isang national sports meet kundi ang maipakilala ang lalawigan sa buong daigdig ang sadyang pangunahing layunin ni Cagayan Governor Alvaro Antonio sa pagdaraos ng SCUAA National Olympics dito sa kapitolyo.

Sa pagtatapos ng kanyang termino, hinahangad ng ama ng lalawigan, kung saan naroroon ang pamosong Lambak ng Cagayan (Cagayan Valley), na maging maayos ang kalagayan ng komunidad ng palakasan sa kanilang lalawigan na walang anumang bahid ng pulitika.

Ayon kay Antonio, maliban sa pangunahing target na makamit ang karapatang maging host ng 2016 Palarong Pambansa, gusto niyang tiyakin na magpapatuloy ang kanilang nasimulang programa sa sports kahit wala na siya sa kapitolyo.

“We are creating a sports commission to sustain the continuity of the sports program and maintenance of the sports facilities,” pahayag ni Antonio na naglaan ng budget na aabot sa P1 bilyon para sa kabuuan ng pagsasa-ayos at pagtatapos ng konstruksiyon ng Cagayan Sports Complex bilang paghahanda sa gagawin nilang pagbi-bid para sa Palaro hosting.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Bukod dito, batid ni Antonio ang hinaing at pangangailangan ng mga alteta bilang isang dating basketball player at isang high jump specialist kung saan ay nais nito na matulungan ang kanyang mga kababayan na magkaroon ng maayos na pundasyon at pagsasanay sa kanilang larangan upang magkaroon ng pagkakataong makapagbigay ng karangalan, hindi lamang para sa kanilang  lalawigan, kundi sa bayan bilang miyembro ng national team.

“Nararamdaman ko at alam ko ‘yung pakiramdam ng walang kumakalinga at nag-aalaga. So since I had the chance to do something for them (athletes), I had the capability, ‘yun ang gagawin ko para makatulong,” pagtatapos pa ni Antonio na nangakong sama-sama nilang pagtutulungan ng Cagayanon na maisakatuparan ang lahat ng kanilang adhikain.