Pinagtibay ng Sandiganbayan Fifth Division ang kasong katiwalian na inihain laban sa isang mayor ng Capiz dahil sa umano’y pagtanggi nitong pirmahan ang evaluation report ng isang municipal budget officer noong 2005.

Sinabi ng Fifth Division na walang basehan ang mosyon na inihain ni Mayor Jose Alba ng Mamabusao, Capiz na humiling sa anti-graft court na ibasura ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na isinampa sa korte laban sa kanya.

Base sa walong-pahinang resolusyon, sinabi ng Fifth Division na batay sa pagkakasunud-sunod ng pangyayari, hindi maaaring gamitin ng korte ang pagkakaantala sa paghahain ng impormasyon para sa kaso upang ibasura ito.

“Accused failed to present evidence to prove that the delay was due to an intentional, capricious, whimsical, or probable politically-motivated delaying tactics employed by the prosecutors. For this reason, the instant Motion to Dismiss necessarily fails,” saad sa desisyon na isinulat ni Fifth Division Chairman Roland Jurado at kinatigan nina Associate Justice Alexander Gesmundo at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Sa ilalim ng graft charge, inakusahan si Alba sa pagtanggi na lagdaan ang performance evaluation report na isinumite ni Municipal Budget Officer Alma Moises noong 2005 na walang legal na batayan o balidong rason kaya hindi siya nabiyayaan ng productivity incentive bonus.

At dahil inihain ang reklamo laban sa kanya sa Office of the Ombudsman noong Hunyo 9, 2006, iginiit ni Alba na inabot ng mahigit walong taon bago naresolba ng Ombudsman ang kaso at itinaas lang ito sa Sandiganbayan noong Agosto 1, 2014.

Nagkaroon din ng pagpapalit ng liderato sa Office of the Ombudsman bago pa man naihain ang kaso sa Sandiganbayan.