Nangako kahapon ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na isasauli ang mga armas na kinuha nila mula sa 44 na kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na namatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Sinabi ni MILF peace negotiating panel chairman Mohagher Iqbal na dahil sa umiiral na peace talks ng MILF at ng gobyerno ay isasauli nila ang armas ng 44 na namatay na miyembro ng SAF.

Gayunman, niliwanag ng MILF na hindi lahat ng armas ng SAF ay kanilang maibabalik dahil ang ilan ay kinuha ng mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at ng mga sibilyan.

Ayon sa report, 10 armas ang sinamsam ng BIFF at ang ilan ay kinuha ng mga sibilyan at sinasabing ibinebenta na sa Maguindanao.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Sa kabilang dako, sinabi ni Iqbal na hindi isusuko ng MILF ang mga tauhan nitong sangkot sa sagupaan sa katwirang kapwa nalagasan ng tauhan ang MILF at ang PNP.

Sinabi ni Iqbal, na 18 sa kanilang mga tauhan ang namatay kaya’t hindi umano mapipilit ng gobyerno na panagutin sila sa pagkasawi ng 44 na pulis dahil mapipilitan din silang panagutin ang SAF sa mga nasawing MILF.

Muling iginiit ng MILF na kawalan ng koordinasyon ang nangyari kaya’t sumiklab ang sagupaan na ayaw nilang mangyari.