ISULAN, Sultan Kudarat- Ipinag-utos na ng Sultan Kudarat Provincial Police Office ang paglulunsad ng manhunt operation laban sa isang pulis na bumaril sa kinakasama nito matapos ang pagtatalo ng dalawa bunsod ng panlalalaki ng biktima.

Ipinaaaresto ni Sultan Kudarat Provincial Director Rex De la Rosa si PO2 Pauya Panguat, nakatalaga sa Provincial Public Safety Company, na nahaharap sa kasong frustrated murder matapos barilin si Marlyn De la Cruz noong Enero 28.

Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Lumitaw sa imbestigasyon, na diskubre ni Panguat na may kalaguyo ang kinakasama nitong si De la Cruz kaya kinompronta niya ito na nagresulta sa kanilang pagtatalo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Habang nagpapaliwanag si De la Cruz, bigla na lang umanong nagdilim ang paningin ng pulis, binunot ang kanyang .40 caliber pistol at binaril ang live-in partner.

Pinangunahan ni Supt. Jemuel Siason, hepe ng Sultan Kudarat Provincial Police Public Safety Company, ang pakikipagnegosasyon sa pagsuko ni Panguat na pinaniniwalaang nagtatago sa Maguindanao.