Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf ang napatay, habang dalawang sundalo ang sugatan, sa naganap na engkuwentro sa Sulu kahapon ng umaga.

Sinabi ni Lt. Col. Harold M. Cabunoc, hepe ng Armed Forces Public Affairs Office, nagresulta ang operasyon ng militar sa pagkabawi ng pitong baril at pagkubkob ng kampo ng mga bandido.

Nagsasagawa ng security patrol operations ang mga tauhan ng 32nd Infantry Battalion na pinangungunahan ni 1Lt. Dennis Arado nang makasagupa ang mahigit sa 20 armadong Abu Sayyaf sa Barangay Tagbili, Patikul, Sulu dakong 9:10 ng umaga.

Ayon sa militar, pinamumunuan ng isang “Hatin Hajan” ang grupo ng Abu Sayyaf.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Base sa ulat ng Joint Task Force Sulu, sinabi ni Cabunoc na tumagal ang bakbakan ng halos 30 minuto.

Kabilang sa mga nabawi ng mga sundalong Army ay apat na M-16 rifle, isang AK-47 at dalawang M-203 grenade launcher.

Tinyak ni Armed Forces Chief of Staff Gen. Gregorio Pio P. Catapang na hindi tatantanan ng mga sundalo ang pagtugis sa mga bandido na nagtatago sa bulubunduking lugar ng Patikul.