Kabilang sa iilang rosas sa hanay ng pulisya, pararangalan bilang isa sa mga outstanding cop si Chief Insp. Olivia Ancheta-Sagaysay, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), sa “Best of the Best” sa gaganaping ika-114 selebrasyon ng Manila Police District (MPD) ngayong Pebrero.

Matapos masungkit ang isang leadership award noong Enero 17, 2014, muling makatatanggap ng isa pang prestihiyosong parangal si Sagaysay bilang “Junior Police Commissioned Officer of the Year.”

Si Sagaysay ay hindi lamang isa sa pinakabata ngunit unang babaeng opisyal na naitalaga bilang hepe ng Manila Traffic Bureau noong kalagitnaan ng 2013.

Tumanggap din ng Achievement Award sa Field of General Support Category si Sagaysay sa ika-113 anibersaryo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Agosto 11, 2014 at pinarangalan din bilang “Outstanding Employee of the Year” sa ika-443 selebrasyon ng Araw ng Maynila noong Hunyo 2014.

SP Chiz, nilinaw na hindi Senate President ang papalit kapag na-impeach si VP Sara

Pinangunahan ni Sagausay ang 10 araw na Traffic Investigation Course noong Hunyo 2, 2014 upang mapabuti ang kapabilidad ng 60 tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit.

“Hindi po isyu ‘yung pagiging babae natin. We have senators na babae, we had a president na babae. So ano pa ang question? Ang capability ng babae sa lalaki pare-parehas yan. Depende na lang sa personality ‘yan,” giit ng opisyal.

Bagamat istrikto sa trabaho, ikinokonsidera rin ni Sagaysay ang kanyang sarili bilang “maunawain” sa kanyang mga tauhan.

Sinabi pa ni Sagaysay na noong bata siya ay hindi niya pinangarap na maging pulis. Nagtapos ng kurso sa edukasyon, unang naging trabaho ni Sagaysay ay ang pag-oorganisa ng mga maralitang komunidad sa Nueva Vizcaya kung saan nakapagtayo ang mga ito ng isang kooperatiba at iba pang programang kabuhayan.