Ipinababasura kahapon ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona ang kinakaharap niyang P120.5 milyong tax evasion case na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Court of Tax Appeals (CTA) noong nakalipas na taon.

Sa inihain nitong omnibus motion, idinahilan ni Corona ang 3-year limit na nakapaloob sa National Internal Revenue Code (NIRC) para sa BIR para makapagsagawa ng assessment sa internal revenue taxes.

Gayunman, kinontra ito ni Prosecutor Mar Roland Estepa na nagsabing hindi naman nagpasimula ng imbestigasyon ang BIR kaugnay ng naturang usapin.

Ayon kay Estepa, pumirma si Corona ng isang waiver noong impeachment trial kung saan nangangahulugan na bukas siya para sa isasagawang pagsisiyasat.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Naghain rin si Corona ng isa pang mosyon upang malinawan nito ang iba pang mga bagay sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.

Kaugnay nito, itinakda rin ng hukuman ang arraignment nito sa Pebrero 25 matapos nang hindi matuloy kahapon ang pagbasa ng sakdal laban sa kanya.

Si Corona ay ipinagharap ng tax evasion case sa CTA noong Marso 2014 kung saan unang itinakda ang arraignment nito noong Setyembre 15, 2014 na ipinagpaliban dahil na rin sa nakabimbing mosyon na nagpapabasura sa kaso.