Walang kinalaman ang United States government sa palpak na operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao, na ikinasawi ng 44 na pulis.

Ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr., hindi humingi ng tulong ang pamahalaang Aquino sa US government sa operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, at sa Pinoy na kakutsaba nitong si Basit Usman.

“Ito ay operation ng Republika ng Pilipinas at ng mga law enforcement at Armed Forces natin. Wala pong katotohanan yan ,” pahayag ni Coloma sa panayam sa radyo.

Aminado naman ang opisyal na tumulong ang US sa retrieval ng mga napatay at nasugatang tauhan ng PNP-SAF matapos ang madugong engkuwentro ng mga ito sa mga armadong rebelde.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Ayon sa sources, gumamit ang US authorities, na nakabase sa Zamboanga City, ng medical evacuation helicopters na nagtungo sa punong himpilan ng 6th Infantry Division sa Awang, Maguindanao upang tumulong sa extraction ng mga napatay at sugatang miyembro ng PNP-SAF.

Ang pahayag ni Coloma ay bilang reaksiyon sa panawagan ng ilang mambabatas na magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa madugong sagupaan ng PNP-SAF at ng umano’y pinagsanib na puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), kabilang ang papel ng Amerika sa palpak na operasyon ng gobyerno.

Sinabi sa ulat na ibinahagi ng mga Amerikano ang intelligence data sa pinagkukutaan nina Marwan at Usman, na kapwa may patong sa ulo na US$8 million at US$1 million. Ipinasisilip din ng ilang senador at kongresista ang naging papel ng Amerika sa pag-extract ng mga napatay at sugatang commando.