Isang linggo matapos ang karumal-dumal na pagpatay sa 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao, nanawagan ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa sambayanan na makipagtulungan upang masagip ang usapang pangkapayapaan ng MILF at gobyerno.
Paalala ni MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghazali Jaafar sa publiko na hindi lamang ang mga residente ng Mindanao ang apektado sa insidente sa Mamasapano noong Enero 25, kundi maging ang mga mamamayan sa Luzon at Visayas.
Sinabi pa ni Jaafar, miyembro ng MILF Central Committee, na ilan sa mga napatay na tauhan ng PNP-SAF ay taga-Western Mindanao, South Cotabato, Luzon at Visayas.
“Apektado tayong lahat dito at nararapat lang na magtulungan tayo upang matuldukan na ito (kaguluhan),” pahayag ni Jaafar sa panayam ng radyo DzBB.
Iginiit ng MILF leader na walang humpay ang pambabatikos ng ilang sektor sa kanilang hanay.
“Minumura kami,” ayon kay Jaafar, tinukoy ang ilang komentarista sa media na naging emosyonal sa isyu. “Ito’y paglabag na sa media ethics!”
Nanawagan din ang rebel leader sa publiko na huwag maging emosyonal sa insidente dahil ginagawa na ng gobyerno at MILF ang nararapat na hakbang upang matukoy ang puno’t dulo ng madugong police operation sa pamamagitan ng mga isinasagawang imbestigasyon ng magkabilang kampo.
“There is a very big task placed on our shoulders, in our hands in ending the war in Mindanao. Let us strive for this negotiate political settlement,” pahayag ng MILF leader.